Isyung Panlipunan: Ano ito at 8 Halimbawa [2023]

Ang lipunan ay binubuo ng mga mamamayan na may iba’t ibang katangian at karanasan. At dahil dito, hindi maiiwasan na may mga mabuong isyu at suliranin. Sa blog post na ito, tatalakayin natin ang mga pangunahing isyung panglipunan na kinakaharap natin ngayon.

Ano ang isyung panlipunan

Ang isyung panlipunan ay tumutukoy sa mga usapin at suliranin na may kinalaman sa lipunan o sa buong komunidad ng isang bansa. Ito ay naiiba sa personal na isyu na pang-personal o sarili lamang.

Dapat din natin tandaan na ang isyung panlipunan ay may kaugnayan sa mga aspeto ng buhay tulad ng edukasyon, kalusugan, ekonomiya, politika, kalikasan at iba pa.

Ang mga isyung panlipunan ay mahalagang malaman upang magkaroon ng kamalayan sa mga suliranin at mga hamon na kinakaharap ng ating lipunan. At nang sa ganoon ay mahanap ang mga solusyon upang mapabuti ang ating kalagayan.

8 Halimbawa ng Isyung Panlipunan

  1. Isyu sa Kahirapan
  2. Kakulangan sa Edukasyon
  3. Isyu sa Kakulangan sa Trabaho at Mababang Sweldo
  4. Isyung Korapsyon
  5. Isyung Pangkapaligiran
  6. Krimen at Katarungan
  7. Sakit at Kalusugan
  8. Pampublikong Transportasyon
masayang mga bata kahit mahirap

1. Isyu sa Kahirapan

Ang kahirapan ang pinakamatinding isyu sa ating lipunan. Maraming kababayan nating Pilipino ang walang sapat na kakayahan para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkain, tirahan at pangkalusugan. Ito ay dulot ng kakulangan ng edukasyon, oportunidad, trabaho at mababang sahod.

Ayon sa datos, nasa 18% ng populasyon ng Pilipinas o halos 20 milyong Pilipino ang nabibilang sa kategoryang mahirap.

Dagdag pa rito, maraming Pilipino ang nakatira sa mga lugar na tinuturing na “poor urban areas” o mga lugar na may mataas na kaso ng kahirapan.

Ang kahirapan ay dulot ng iba’t ibang mga suliranin tulad ng kakulangan ng trabaho at mababang sahod.

Medyo mataas ang unemployment rate sa ating bansa, at kung may trabaho man, marami ang sumusweldo ng di tama.

Ibig sabihin, kahit may trabaho ang mga tao, hindi ito sapat upang matustusan ang kanilang pangangailangan at pang-araw-araw na gastusin.

Dagdag pa rito, ang pandemya ng COVID-19 ay nagdulot ng mas malalang epekto sa kahirapan.

Ayon sa ulat, nasa milyong-milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Dahil sa kawalan ng trabaho, maraming kababayan natin ang naghihirap at nahihirapan sa pang-araw-araw na buhay.

Kailangan nating gumawa ng mga hakbang upang matugunan ang suliraning ito.

Kailangan nating bigyan ng sapat na suporta ang mga sektor ng ating lipunan na may kinalaman sa trabaho tulad ng agrikultura, industriya, at serbisyo.

Kailangan din nating bigyan ng sapat na suporta ang mga programa at proyekto upang matulungan ang mga mahihirap na kababayan natin at mapalawig ang oportunidad para sa kanila.

2. Kakulangan sa Edukasyon

Ang edukasyon ay isa sa mga pangunahing haligi ng ating lipunan. Ngunit sa kasalukuyan, may mga suliraning kinakaharap ang edukasyon sa ating bansa.

Ilan sa mga ito ay ang kakulangan sa kalidad na edukasyon, kakulangan sa mga guro, paaralan at kagamitan.

Ayon sa datos ng PSA, ang Pilipinas ay may literacy rate na 91.6 percent. Mukhang malaki ang numero na ito, pero sa totoo lang nasa 7 milyon na Pilipino pa rin ang hindi marunong magsulat o magbasa.

Marami ring mga bata na dahil sa kahirapan ay walang pangbayad para mag-aral o di kaya ay mas pinipili nalang na magtrabaho nalang para may makain sa pang-araw-araw.

Isama mo pa ang kakulangan natin ng guro at paaralan sa buong bansa. Bukod pa dito, maraming paaralan ang may kakulangan sa mga kagamitan tulad ng silid-aralan, library, mga libro, upuan, at kagamitan sa laboratoryo.

Dahil sa kakulangan na ito, hindi nakakapagbigay ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga paaralan sa mga mag-aaral.

Hindi rin nakakapagpatupad ang mga paaralan ng tamang antas ng edukasyon dahil sa kakulangan ng mga guro na magtuturo ng mga tamang konsepto at kasanayan.

At dahil dito, nahihirapan sila maghanap ng magandang trabaho na may mataas na sahod at makatulong sa pag-unlad ng ating lipunan.

Ang kakulangan sa edukasyon ay isang pangunahing isyu ng ating lipunan dahil hindi lamang ito nakakaapekto sa kalidad ng edukasyon ng ating mga kabataan, ngunit nakakaapekto rin ito sa kanilang kinabukasan.

Kailangan nating gawin ang mga hakbang upang matugunan ang suliraning ito tulad ng pagbibigay ng sapat na suporta sa mga guro at pagpapalawak ng mga programa at proyekto upang mapunan ang mga kakulangan sa edukasyon.

mga libro

3. Isyu sa Kakulangan sa Trabaho at Mababang Sweldo

Ang trabaho ay isa sa mga pangunahing kinakailangan ng bawat tao. Ngunit sa kasalukuyan, mayroong maraming kababayan natin ang walang trabaho o may trabaho ngunit hindi sapat ang kita.

Sa ngayon umaabot sa 2.37 milyon katao ang mga walang trabaho ayon sa PSA.

Dahil dito, mahihirapan silang magpakain sa kanilang pamilya at mapag-aral ang kanilang mga anak.

Alam nyo ba na sa ngayon ay naglalaro sa Php 533 – Php 570 per day ang minimum wage sa National Capital Region (NCR). Samantalang pumapatak naman sa Php 345 – Php 420 sa ibang lugar sa Pilipinas.

Sa taas ng mga bilihin ngayon, medyo magigipit ang mga tao na kumikita lamang ng minimum wage. At lalo na yung mga kumikita ng mas maliit dito.

Hindi madali lang solusyon dito pero kailangan mas paghusayan pa ni Pres. BBM ang kanyang mga plano ukol sa kakulangan sa trabaho. Kailangan din natin ng mga dayuhan na gustong mamuhunan sa ating bansa para mas dumami ang mga trabaho.

4. Isyung Korapsyon

500 pesos

Nako! Sa totoo lang maraming “kurap” o “buwaya” dito sa Pilipinas. Ang korapsyon ay isa sa mga matinding suliraning kinakaharap ng ating lipunan.

Ito ay may malawak na saklaw, mula sa katiwalian sa pamahalaan hanggang sa katiwalian sa pribadong sektor.

Ang korapsyon ay isa sa mga malaking isyu sa ating bansa. Sa katunayan, nakalulungkot na ang Pilipinas ay nasa ika-116 (out of 118) na puwesto sa Transparency International’s Corruption Perceptions Index noong 2022, kung saan mas mababa pa ito kaysa sa ibang bansa sa Southeast Asia tulad ng Singapore, Malaysia, at Indonesia.

Ang korapsyon ay nakakasira sa ating bansa sa iba’t ibang mga paraan. Ito ay nakakapagpabagal sa pag-unlad ng ekonomiya dahil sa pagkakaroon ng “ghost projects” at “overpricing” sa mga proyekto ng pamahalaan. Ehem, laptop ng DepEd, ehem!

Dagdag pa rito, nakakapagpahirap sa mga mahihirap na kababayan natin dahil sa pagkakaroon ng “red tape” sa mga serbisyong publiko tulad ng health care, edukasyon, at iba pa.

May mga kaso rin ng korapsyon sa mga pinakamataas na posisyon sa pamahalaan. At sa totoo lang, kung mismong ang mga namumuno natin ang mga kurap, mahihirapan talaga tayong makaraos sa krisis na to.

5. Isyung Pangkapaligiran

Isa pang malaking isyu sa ating bansa ay ang pangangalaga sa kalikasan o isyung pangkapaligiran.

Maraming suliraning pangkapaligiran ang kinakaharap ng Pilipinas, kasama na rito ang deforestation, illegal logging, air pollution, at water pollution.

Ang deforestation o pagputol ng mga kahoy ay nagiging sanhi ng pagkawala ng mga tirahan ng mga hayop, pagbabago ng klima, pagkasira ng ecosystem, at pagkakaroon ng mga landslide at baha.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa taong 2020 lamang, mahigit 47,000 ektaryang kagubatan ang nawala dahil sa deforestation.

Ang illegal logging o ilegal na pagtotroso naman ay isa sa mga dahilan ng deforestation. Ito ay ang pagputol ng mga kahoy nang hindi sumusunod sa mga patakaran at batas ng gobyerno.

Masama ito sa kalikasan dahil nakakapagdulot ito ng pagbaha, landslides, at pagkawala ng mga tirahan ng mga hayop.

Sa totoo lang maraming kagubatan sa bansa ay nasa ilalim ng banta ng illegal logging.

Ang air pollution naman ay dulot ng mga polusyon mula sa mga sasakyan, pabrika, at iba pang industriya. Ito ay nakakasama sa kalusugan ng mga tao at hayop.

Ayon sa mga datos ng DENR ang mga lungsod ng Maynila, Quezon City at Pasig ay may pollution level na PM2.5. Ibig sabihin ito ay sa nasa kategorya na lubhang delikado na ang mga lungsod na ito.

Ang water pollution naman ay dulot ng mga polusyon mula sa mga kemikal at basura na napupunta sa mga ilog at dagat.

Ito ay nakakapinsala sa kalusugan ng mga tao at hayop at nakakadulot ng pagkawala ng mga tirahan ng mga isda.

Mahalaga na bigyang-pansin natin ang mga suliraning ito sa ating kalikasan upang mapangalagaan natin ang ating kapaligiran para sa kinabukasan ng ating mga anak at ng buong bansa.

krimen

6. Krimen at Katarungan

Ang krimen ay isa sa mga pinakamalaking suliranin na kinakaharap ng Pilipinas.

Maraming tao ang nabibiktima ng iba’t ibang uri ng krimen tulad ng pagnanakaw, droga, pagpatay, at panggagahasa. Kahit na mayroong mga batas at mga institusyon na naglalayong mapigilan ang pagkalat ng krimen, hindi pa rin ito sapat upang masugpo ang problema.

Isa sa mga dahilan ng hindi sapat na katarungan para sa mga biktima ng krimen ay ang mga sistema at proseso sa ating katarungan.

Sa ilang kaso, maaaring mahirap ang pagpapanagot sa mga taong sangkot sa krimen dahil sa kawalan ng ebidensya o kakulangan ng mga batas na nagbibigay ng sapat na parusa. At ang ubod ng bagal na proseso ng ating batas.

Sa kabila nito, mahalagang magtulungan ang mga institusyon ng batas upang masiguro ang kaligtasan at proteksyon ng mga mamamayan laban sa mga kriminal.

Isa rin sa napansin ko ay kapag mayaman, politiko o taong nasa kapangyarihan ang may sala, tila ba lalong bumabagal ang proseso at madalas ay napapawalang sala.

Ang krimen ay isa sa napakahirap malutas na isyu hindi lang ng Pilipinas, pati na rin sa ibang bansa.

7. Sakit at Kalusugan

Ang kalusugan ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat indibidwal. Ngunit sa kasalukuyan, maraming mga suliranin sa kalusugan ang kinakaharap ng ating bansa.

Isa sa mga ito ay ang kakulangan ng mga kagamitan sa mga ospital tulad ng mga gamot, kagamitan sa operasyon, at kagamitan sa laboratoryo.

Dahil dito, hindi lubusang natutugunan ang pangangailangan ng mga pasyente sa mga ospital at mga klinika.

Isa pang suliranin sa kalusugan ay ang kawalan ng sapat na edukasyon tungkol sa kalusugan. Marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi sapat ang kaalaman tungkol sa kung paano magpakainam at magpakasigla ng kanilang katawan.

Kadalasan, hindi rin sapat ang kanilang kaalaman tungkol sa mga sakit at kung paano maiiwasan ito.

Higit pa rito, mayroon ding mababang kalidad ng mga serbisyong pangkalusugan. Marami sa mga kababayan natin ang hindi nakakatugon sa kanilang pangangailangan dahil sa kakulangan ng mga doktor, nurse at iba pang propesyonal sa kalusugan.

At bakit kulang ang mga doktor at nurse sa bansa? Ang iba ay mas pinipili na mag-abroad upang magtrabaho doon. Dahil sa Pilipinas ang baba ng sweldo ng nurse, medical personnel at maging doktor man.

Nakakalungkot dahil isa ang kalusugan sa pinakamahalagang aspeto ng buhay.

Kadalasan din, hindi sapat ang pondo na nakalaan para sa mga serbisyong pangkalusugan, kaya’t hindi naiibsan ang mga suliranin sa kalusugan ng mamamayan.

Sa ganitong kalagayan, mahalaga ang pagtugon ng ating pamahalaan sa mga suliraning ito sa kalusugan.

Dapat maglaan ng sapat na pondo para sa mga kagamitan sa mga ospital at iba pang serbisyo.

Bukod dito, mahalaga rin ang pagbibigay ng sapat na edukasyon sa kalusugan upang maunawaan ng mga mamamayan ang kahalagahan ng pagpapakainam at pag-iwas sa sakit. Sa ganitong paraan, makatutulong tayo sa pagpapabuti ng ating kalusugan.

EDSA at pampublikong transportasyon

8. Pampublikong Transportasyon

Ang transportasyon ay mahalagang aspeto ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan.

Ngunit sa kasalukuyan, may mga suliranin sa transportasyon tulad ng matinding traffic, sira-sirang kalsada at kakulangan ng maayos na kalsada sa ibang parte ng ating bansa.

Ang EDSA ay mukhang wala ng pag-asang lumuwag pa lalo na’t padami ng padami ang mga sasakyan na tulad ng kotse, motor at bus.

Sa ngayon, medyo maganda na ang serbisyo ng MRT at LRT natin, pero kung ikukumpara sa ibang bansa tulad ng Hongkong at Singapore, malayo pa rin sila. Mas maayos at mas ligtas ang mga tren nila kaysa sa Pilipinas.

Isama pa natin ang maraming tumututol sa pagmomodernisasyon ng mga jeep. Oo, mahal ang mga ito, pero mas maganda at mas ligtas kumpara sa mga lumang dyip na nagbubuga pa ng napakaitim na usok at maingay na makina.

Sana ay makagawa ang ating gobyerno ng paraan upang matulungan ang ating mga kawawang jeepney driver na magkaroon ng sapat na pondo para sa jeepney modernization.

mga isyung panlipuan - halimbawa infographic

Konklusyon

Ang mga isyung panglipunan ay mga suliraning mahalagang malutas upang magkaroon ng mas maayos at matatag na lipunan. Mga hamon ito na dapat nating tugunan upang mapanatili ang kaayusan at pagkakaisa ng ating bansa.

Mahalagang magtulungan ang mga mamamayan at ang pamahalaan upang malutas ang mga suliraning ito.

Iba pang aralin na maaari mong basahin:

Kontemporaryong IsyuMga Halimbawa ng Kontemporaryong Isyu
Ang 10 Utos Ng DiyosBahay Kubo Lyrics
Tambalang Salita at mga HalimbawaAno ang ibig sabihin Sabaok
Ano ang Niece in TagalogAno ang Sanaysay
Paano Gumawa ng SanaysayMga Halimbawa ng Pang-abay

Mga FAQs (Frequently Asked Questions)

  1. Ano ang mga isyung panglipunan na kinakaharap ng ating bansa?

    Mayroong mga suliraning tulad ng kahirapan, korapsyon, edukasyon, kalusugan, kriminalidad, at iba pa.
  1. Ano ang magagawa ng mga mamamayan upang malutas ang mga suliraning ito?

    Mahalaga ang pagtutulungan ng mga mamamayan at ang pagbibigay ng suporta sa mga proyekto at programa ng pamahalaan upang malutas ang mga suliranin. Magbayad rin ng tawang buwis palagi.
  1. Paano magagawa ng pamahalaan na malutas ang mga isyung panglipunan?

    Dapat maglunsad ang pamahalaan ng mga proyekto at programa na nakatutok sa paglutas ng mga suliraning ito, at maglaan ng sapat na pondo upang maisakatuparan ang mga ito.
  2. Bakit mahalagang malutas ang mga isyung panglipunan?

    Ang mga isyung panglipunan ay mahalagang malutas dahil nakaaapekto ito sa kalagayan at kapakanan ng ating lipunan. Kung hindi ito malulutas, maaaring lumala pa ang mga suliraning ito at magdulot ng mas malaking problema sa hinaharap. Halimbawa, kung hindi matugunan ang isyu ng kahirapan, maaaring mas maraming Pilipino ang magutom at magkasakit.