Yamang Gubat – Pag-aralan natin ngayong 2023
Dito sa atin sa Pilipinas, hindi lamang mga magagandang tanawin ang matatagpuan, ngunit marami rin itong yamang gubat. May mga kagubatan sa bansa na may sari-saring uri ng mga halaman, puno at hayop.
Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang iba’t ibang yamang gubat na matatagpuan sa Pilipinas at kung paano natin ito mapapangalagaan.
Ano ang yamang gubat at kahulugan nito?
Ang mga yamang gubat ay mga likas na yaman na matatagpuan sa mga kagubatan. Ito ay kinabibilangan ng mga punong-kahoy, mga halaman, mga hayop, at iba pang uri ng mga organismo.
Ang mga yamang gubat ay mahalaga dahil nagbibigay ito ng pagkain, proteksyon sa mga kalamidad, mga produkto at serbisyo na nakakatulong sa pangkabuhayan at kalusugan ng mga tao.
Ito ay kinabibilangan ng mga prutas, kahoy, mga halamang gamot, mga espesyal na kagubatan na mayroong mataas na halaga sa turismo at iba pa.
Mga Hayop
Maraming klase ng hayop ang nakatira sa mga kagubatan. Ilan sa mga ito ay mailap at mapanganib. Ang ilan naman ay endangered species o yung mga hayop na nanganganib ng tuluyang mawala.
- Tarsier
- Ahas
- Unggoy
- Tamaraw
- Agila
- Baboy-ramo
- Musang
- Paniki
- Philippine flat-headed frog
- Kuwago
- Philippine Sailfin Lizard
- Philippine Bear-Cat
- Philippine flat-headed frog
- Philippine flying lemur
Ang tarsier ay makikita lamang sa iilang bansa, kabilang dito ang Pilipinas. Ngunit sa kasamaang-palad, ang tarsier ay nanganganib ng mawala. Kaya sana ay maprotektahan pa lalo ito ng ating gobyerno.
Mga Puno
- Dipterocarp
- Lauan
- Yakal
- Molave
- Narra
- Apitong
- Kawayan
- Pino
- Bakawan
- Nipa
- Ipil
Ang Narra ang pambansang puno ng Pilipinas dahil sa taglay nito na katatagan at katibayan. Ito rin nag ay nagrerepresenta sa kultura at dangal na dala ng bawat Pilipino.
Ang mga puno na ito ay karaniwang makikita sa yamang gubat ng Pilipinas. Ayon sa datos, ang Pilipinas ay mayroong halos 3000 na uri ng mga puno.
Ang mga ito ay nakapagbibigay ng iba’t-ibang uri ng mga produkto tulad ng papel, tissue paper, traso, tabla, mga herbal na gamot at marami pang iba.
Ang mga kahoy din na mula sa kanila ay ginagamit sa mga kasangkapan, bahay at iba pang istruktura.
Bakit Mahalagang Ingatan ang Yamang Gubat?
Napakaimportante na alagaan at ingatan ang ating yamang gubat. Unang una, ito ang nagbibigay sa atin ng malinis na hangin, pagkain, bahay, at nagsisilbing proteksyon mula sa bagyo o masamang klima.
Sunod, ang kagubatan din ang nagsisilbing tirahan ng mga hayop at ng ilan nating kababayan na katutubo. Ang mga yamang gubat din ay may malaking papel sa biodiversity dahil sa mga iba’t ibang uri ng halaman at hayop na naninirahan dito.
Ang mga puno naman ay nagsisilbing lilim na pwedeng magamit ng mga tao at hayop upang hindi tayo lubos na mainitan. May iba’t-ibang uri din ng halaman na pwedeng magamit na panggamot at nakakapagbigay ng ginhawa sa ating katawan.
At panghuli, nagsisilbi ring isang uri ng turismo ang mga kagubatan. Kapag maayos at naalagaan ang mga yamang gubat, maaring payagan ng gobyerno na maging tourist attraction ang mga ito. At dahil dito posible na makapagbigay ito ng karagdagang trabaho para sa ating mga kababayan.
Suliranin ng Yamang Gubat
Sa totoo lang, medyo hindi naaalagaan ng tama ang mga yamang gubat ng Pilipinas. Ang isa sa mga matitinding suliranin na kinakaharap nito ay ang illegal logging at deforestation. Ibig sabihin maraming mga mangttroso ang hindi dumadaan sa tamang proseso upang mamutol ng mga puno.
O di kaya’y hindi napapalitan ang mga puno na pinutol.
Isa pa sa mabibigat na problema ay ang unti-unting pagkaubos ng mga hayop sa kagubatan. Ang Tarsier, Philippine Eagle at Tamaraw ay lubhang nanganganib ng maubos gawa ng panghuhuli sa mga ito at ang pagwasak sa kanilang mga tirahan.
Malungkot isipin na naging ganito ang sitwasyon ang ating mga yamang gubat. Pero hindi pa naman huli ang lahat, nakikita naman natin na kahit paano ay ginagawan ito ng aksyon ng ating gobyerno. Sana lang ay magtuluy-tuloy ang kanilang mga magagandang proyekto para sa ating kalikasan.
Eliza is an educator, blogger, and former university teacher. She also loves to run and has an active lifestyle. She writes about education and her experiences getting into shape, and living a healthy lifestyle.