Kontemporaryong Isyung Pangkapaligiran At Mga Halimbawa Nito

Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang isang napakahalagang paksa na tumutukoy sa kontemporaryong isyung pangkapaligiran. Magbibigay din kami ng halimbawa ng mga konkretong isyu pangkapaligiran na kinahaharap ngayon ng iba’t ibang mga bansa at komunidad.

Kontemporaryong Isyung Pangkapaligiran

Ito yung mga problema na tumutukoy sa mga pangyayari at kalagayan ng kapagaligiran at ekosistema. Ilan sa mga ito ay ang pagkasira ng kalikasan, polusyon, ingay at basura.

Mga halimbawa ng kontemporaryong isyung pangkapaligiran

  1. Pagbabago ng klima o climate change: Ang pagtaas ng global na temperatura, pag-init ng mundo, at pagbabago ng klima ay malaking isyu sa kasalukuyan. Ito ay sanhi ng labis na pag-emite ng greenhouse gases mula sa industriya, transportasyon, at iba pang mga aktibidad ng tao. Ang pagbabago ng klima ay nagdudulot ng matinding tag-init at pagbaha.

  2. Maruming mga ilog at dagat: Tingnan nyo nalang ang Ilog Pasig at Manila Bay, bagama’t luminis na ang mga ito di pa rin maikakaila na nasira na ang tunay na ganda nila dahil sa pagtatapon ng mga basura. Malaki ang epekto nito sa kalusugan ng tao at maging sa turismo.

    Marami pang mga ilog at dagat sa Pilipinas ang kailangang linisin at sana ay maagapan ito ng pamahalaan.

  3. Polusyon sa hangin: Ito ay patuloy na isyu sa ating lipunan. Ang mga produktong kemikal, mga basura, at mga mapanirang pabrika ay nagdudulot ng malubhang epekto sa kalusugan ng mga tao at mga ekosistema. Ang polusyon ay nagiging sanhi ng mga sakit, pagkawala ng mga hayop at pagkasira ng likas na yaman.

    Kung papansinin nyo dito sa Manila, ang konti na ng mga tutubi at paru-paro dahil sa dumi ng hangin at mga usok na mula sa sasakyan.

  4. Matinding pagbaha: Nang dahil sa urbanisasyon, dumami na rin ang mga establisyemento at kumonti ang mga puno at halaman na pwede sanang sumipsip ng mga tubig. Ang mga drainage, kanal at iba pang mga daluyan na tubig sa kalsada ay nahihirapan ng pigilan ang biglaang pagbaha.

    Ang flash flood naman o ang biglaan pagbaha ay nakakapaminsala lalo na yung mga mabababang lugar. Naaapektuhan nito ang kabuhayan, kalikasan, kalusugan at minsan ay kumikitil pa ng mga buhay.

  5. Deforestation: Ito ay ang pagputol ng mga puno, halaman at damo dahil nakakasagabal sila sa isang proyekto o sa araw-araw na pamumuhay. Ang deforestation din ang isa sa malaking dahilan kung bakit unti-unting kumokonti ang mga hayop sa paligid.

    Ang pagputol ng mga puno at kahoy ay nauugnay din sa mga pagbaha, pagkakalbo ng lupa, pagkamatay, at pinsalang nagaganap sa ari-arian.

  6. Problema sa basura: Ang labis na produksyon ng basura ay nagdudulot ng polusyon sa hangin, lupa, at tubig. At ang mga hindi tamang pamamaraan ng pagtatapon ng basura, tulad ng pagtatapon sa mga ilog o dagat, ay nakakaapekto sa kapaligiran at kalusugan natin.

    Ang hindi wastong paghihiwalay ng basura ay nagpapahina sa proseso ng pag-recycle at pagbawas ng basura, na nagreresulta sa pag-aaksaya ng mga maaring muling magamit na materyales at mapagkukunan.

  7. Ingay o noise pollution: Ito naman ay likha ng mga sasakyan at pabrika na nagdudulot ng polusyon sa ingay. Isang halimbawa nalang nito ay yung mga tambutso ng mga motor na sobrang iingay at nakakabingi.

  8. Quarrying: Ang quarrying o paghuhukay ng bato at mineral ay isa pang malaking isyu sa ating bansa. Ang mga materyales na nakukuha dito ay ginagamit sa paggawa ng mga gusali, bahay at marami pang iba.

    Ito ay maaaring magresulta sa pagkasira ng mga ekosistema at kalikasan.

    Ang malawakang paghuhukay at pagpapasabog ng mga bato at mineral ay maaaring magdulot ng pagkawala ng mga halaman, hayop, at kanilang mga tahanan. At dahil dito hindi maiiwasan ang pagbaha sa mga mabababang lugar.
KONTEMPORARYONG ISYUNG PANGKAPALIGIRAN - infographic

Bakit natin kailangang pag-aralan ang mga suliranin na ito?

Bakit nga ba kailangan nating pag-aralan ang mga suliranin na ito, lalo na ng mga estudyante at bata?

  • Una, kapag natutunan natin ang mga isyu sa kapaligiran, nagkakaroon tayo ng mas malalim na pag-unawa sa mundo natin. Nakikita natin kung paano tayo nakakaapekto sa kalikasan at kung paano rin ito nakakaapekto sa atin. Ito ay nagbibigay sa atin ng kamalayan at responsibilidad na maging mabuting tagapangalaga ng ating kapaligiran.

  • Sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga suliraning pangkapaligiran, natututo tayo ng mga solusyon at pamamaraan upang masugpo ang mga ito. Nakakadiskubre tayo ng mga praktikal na hakbang na maaari nating gawin bilang mga indibidwal upang maging bahagi ng solusyon.


    Isang magandang pagkakataon din ito para sa mga batang isipin kung paano nila maaaring makatulong sa pamamagitan ng simpleng gawain tulad ng pagtapon ng basura sa tamang paraan o hindi pag-aaksaya ng tubig.

  • Ito ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at inspirasyon. Kapag nakita natin ang mga proyekto at inisyatiba ng mga tao na naglalayong pangalagaan ang kalikasan, nagkakaroon tayo ng ideya na kaya rin nating gumawa ng malaking pagbabago.

Kaya mga bata, mga estudyante, huwag kayong matakot o malito sa mga suliraning ito. Sa pag-aaral ninyo sa mga isyu sa kapaligiran, maaari kayong maging mga tagapagtanggol ng kalikasan at mga lider ng pagbabago.



Sa simpleng paraan, kayo ay makakatulong na mapanatili ang ganda ng ating mundo para sa susunod na henerasyon. Kaya’t tara, sama-sama tayong mag-aral at kumilos para sa kapaligiran!

batang nagaaral sa bahay

Paano nga ba tayo nagkakaroon ng ganitong mga kontemporaryong isyung pangkapaligiran?

Ang mga kontemporaryong isyung pangkapaligiran ay bunga ng iba’t ibang mga salik at pangyayari sa ating lipunan. Pwede nating tingnan ang ilan sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon tayo ng mga suliraning ito.

Paglago ng populasyon: Ang patuloy na paglago ng populasyon ay nagdudulot ng mas malaking pangangailangan ng mga produkto na galing sa likas na yaman at kalikasan. Dahil dito, mas tumataas ang sa pagkain, tubig, enerhiya, at iba pang mga pangangailangan ng tao.

Ito ay nagreresulta sa labis na pagsasaka, pagtatayo ng mga gusali at imprastraktura, at iba pang mga aktibidad na nagdudulot ng panganib sa kapaligiran.

Teknolohiya at modernisasyon: Dahil sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya ang modernisasyon at industrialisasyon ay nagdudulot ng labis na produksyon ng mga kemikal at emisyon. Ito ang nagiging sanhi ng pag-init ng mundo at pagbabago ng klima.

Hindi paggalang sa kalisakan: Ang kakulangan sa kaalaman sa pangangalaga sa kapaligiran ay isang pangunahing suliranin. Maraming tao ang hindi lubos na nauunawaan ang mga epekto ng kanilang mga kilos sa kalikasan. Sila ay nagtatapon ng basura kung saan-saan, ilegal na nagpuputol ng mga halamat at puno at ang ilegal na panghuhuli ng mga hayop.

tambakan ng basura

Mga posibleng epekto kapag hindi ito nasolusyonan

Kapag hindi natin naayos ang mga suliranin na ito, magkakaroon ng malalang epekto sa kalusugan, ekonomiya, at kinabukasan ng ating planeta. Magiging marumi ang hangin, lupa, at tubig na magdudulot ng sakit.

Unti-unting mawawala ang mga kagubatan at mapagkukunan ng pagkain. Dadami ang mga kalamidad at magiging mas mainit ang mundo. Kaya’t kailangan nating kumilos at pangalagaan ang kapaligiran ngayon pa lang.

Mga aralin tungkol sa paksa na ito:

Kontemporaryong isyu

Mga uri ng kontemporaryong isyu

Kahalagahan ng pag-aaral ng kontemporaryong isyu