Kontemporaryong Isyung Pangkalusugan – Halimbawa at Ano ito?

Ang kontemporaryong isyung pangkalusugan ay tumutukoy sa mga kasalukuyang problema kaugnay ng kalusugan ng mga tao. Ito ay maaaring tumalakay sa mga bagong sakit o epidemya, nutrisyon, at iba pang mga aspeto ng pangkalahatang kalusugan na mahalaga para sa mga indibidwal at lipunan.

Mga halimbawa ng kontemporaryong isyung pangkalusugan:

  1. COVID-19 pandemic – ang kumakalat na sakit na dulot ng virus na COVID-19. Ito ay nagkaroon ng malawakang epekto sa kalusugan ng mga tao hindi lang dito sa Pilipinas kundi na rin sa buong mundo.

  2. Mental health – ang pagtaas ng mga kaso ng depresyon, pagkabalisa, at iba pang mental na problema sa panahon ng pandemya, na nakakaapekto sa kapakanan ng mga tao at kanilang emosyonal na kalagayan.

  3. Pagtaas ng obesity – ang problema sa sobrang katabaan at kakulangan sa tamang nutrisyon na nagdudulot ng iba’t ibang sakit tulad ng diabetes, hypertension, at cardiovascular na mga sakit. Ayos sa isang pagsusuri 27 milyong mga pinoy ang overweight o obese.

  4. Polusyon sa hangin – ang mataas na antas ng polusyon sa hangin sa mga malalaking siyudad na nagdudulot ng mga problema sa ating respiratoryo at posibleng magdulot ng iba pang mga sakit.

  5. Epekto ng teknolohiya sa kalusugan – ang labis na paggamit ng gadgets at pagkaadik sa social media na nagdudulot ng mga isyu sa pagtulog, postura, at pagkaadik sa teknolohiya.

  6. Pribilehiyo para sa magandang kalusugan – ang kakulangan ng mga mahihirap na komunidad sa tamang pribilehiyo sa mga serbisyong pangkalusugan tulad ng gamot, konsulta sa doktor, at iba pang pangangailangang pangkalusugan.

  7. Ilegal na droga – talamak pa rin ang ilegal na pagbebenta at paggamit ng droga dito sa atin. Para bang hindi umubra ang programang “Drug war” noon ni Pres. Rodrigo Duterte. Ang kahirapan at depresyon ang mga pangunahing ugat kung bakit grabe pa rin ang problema natin sa ilegal na droga.
kontemporaryong isyung pangkalusugan infographic

Bakit natin kailangang pag-aralan ang mga suliranin na ito?

Mahalagang mapag-aralan ang mga isyung pangkalusugan ng mga estudyante dahil ito ay nagpapalawak ng kamalayan sa kasalukuyang mga problema.

Ito ay nagpapalawak ng kaalaman tungkol sa kalusugan at naghahanda sa mga estudyante para sa mga posible nilang maranasan sa hinaharap. Sa pamamagitan ng pag-unawa at pagtugon sa mga hamon na ito, ang ating mga estudyante ay nagiging handa na magkaroon ng positibong ambag para sa kabutihan ng lipunan.

Paano nga ba tayo nagkakaroon ng ganitong mga kontemporaryong isyu sa ating kalusugan?

taong may sakit

Maraming dahilan kung bakit ang mga isyung ito ay nagaganap sa buong mundo. Narito ang ilan sa mga posibleng paliwanag kung bakit nagkakaroon ng ganitong mga isyu:

  • Pagbabago sa pamumuhay: Ang pagbabago sa pamumuhay ng mga tao ay nagdudulot ng iba’t ibang epekto sa kalusugan. Ito ay maaaring isang resulta ng pagunlad ng teknolohiya, kung saan mas maraming oras ang ginugugol ng mga tao sa kanilang mga “screens” na nagpapababa ng pisikal na aktibidad.

  • Pagkain ng matatamis, tsitsirya at fast food: Ang pagtaas ng pagkain na mayaman sa taba, asukal, at mga kemikal na pampalasa ay nagdudulot ng pagtaas ng mga kaso ng obesity, diabetes, at iba pang sakit. Hindi naman masamang kumain nito, pero dapat ay yung tamang dami lamang.

  • Stress at depresyon: Maraming masamang naidudulot sa ating kalusugan kapag tayo ay stress at balisa. Nung matindi pa ang epekto ng pandemya, maraming nawalan ng buhay at ng mga pagkakakitaan kaya marami ang nabalisa.

  • Kahirapan: Sa totoo lang ito talaga ang ugat ng lahat ng problema. Dahil sa matinding kahirapan marami ang hindi nakakakain ng tama at nagkakasakit. At dahil wala silang pera o kabuhayan, madalas silang stressed. At dahil sila ay stressed, nagkakaproblema sila sa kanilang mental health.

Mga posibleng epekto kapag hindi ito nasolusyonan

Kung hindi mabibigyan ng solusyon ang mga kontemporaryong isyung pangkalusugan na ito, maaaring magkaroon ng mga sumusunod na epekto:

  1. Pagtaas ng bilang ng mga kaso ng mga sakit – Kung hindi maresolba ang mga isyung tulad ng pagtaas ng obesity o mental health, maaaring magpatuloy ang pagtaas ng mga kaso ng sakit tulad ng diabetes, hypertension, depression, at iba pang mga komplikasyon sa kalusugan.

  2. Mahinang ekonomiya – Ang mga isyung pangkalusugan na hindi naaayos ay maaaring magdulot ng malaking pinsala sa ekonomiya. Ang pagkakasakit at kakulangan sa kalusugan ng mga manggagawa ay maaaring humantong sa pagkawala ng produktibidad at pagtaas ng gastusin sa pangangalaga sa kalusugan.

  3. Mas malalang mga suliranin – Maaaring magdulot ng iba pang mga problema ang mga isyung ito tulad ng pagtaas ng antas ng kahirapan, pagkakawatak-watak ng pamilya, at tuluyang pagkawalan ng tiwala sa ating gobyerno.

Samakatuwid, kailangang agarang aksyunan ang mga pangkalusugang isyung ito upang mapangalagaan ang kalusugan at kalidad ng buhay ng mga tao.

Mga aralin tungkol sa paksa na ito:

Kontemporaryong isyu

Mga uri ng kontemporaryong isyu

Kahalagahan ng pag-aaral ng kontemporaryong isyu